
Patuloy ang isinagawang paglilinis sa mga kailugan ng Calauan, alinsunod sa direktiba ng mahal na Punong Bayan, Mayor Osel Caratihan. Sa pakikipagtulungan ng Calauan MDRRMO, matagumpay na naisako at nakolekta ang iba't ibang klase ng basura — ilan pa rito ay mga itinapon o sadyang pinaanod sa ilog.
Ang hakbanging ito ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya para sa kalinisan at kaligtasan ng kapaligiran, lalo na sa mga lugar na may mataas na panganib sa pagbaha.
Muling nananawagan ang pamahalaang bayan sa lahat ng mamamayan: Magtulungan tayo, makiisa, at magmalasakit para sa ating kalikasan at komunidad.
Bagamat nasa ibang bayan, bahagi ito ng patuloy na malasakit sa kalikasan, lalo’t kalapit-ilog ito ng Calauan.







Sa pangunguna ni Mayor Osel Caratihan, patuloy ang pagsasakatuparan ng Calauan Command Center—isang makabagong proyektong layong magbigay ng mas mataas na antas ng seguridad at kahandaan sa buong bayan.
Tampok sa proyektong ito ang solar-powered CCTV network na nakakonekta sa isang sistemang metropolitan area network, na magbibigay-daan sa mabilis at sabayang pagmamanman sa iba’t ibang bahagi ng bayan. Mula sa mga entrance at exit points, delikadong lugar, pampublikong pasyalan gaya ng plaza, hanggang sa bagong ginagawang palengke, may nakatalagang mga kamera para sa 24/7 na pagbabantay.
Mismong si Mayor Osel at ang kanyang mga kawani ang nagsagawa ng pag-install at pagsasaayos ng sistema upang makatipid sa malaking gastusin at matiyak ang kalidad ng trabaho, imbes na ipagawa pa sa kontratista.
Sa pamamagitan ng sistemang ito, mas magiging madali ang pagkilala at paghuli sa sinumang gagawa ng masama, gayundin ang pagmomonitor tuwing may sakuna. Layon ng proyektong ito na tiyakin ang kaligtasan at kapayapaan ng lahat ng mamamayan ng Calauan.
We use cookies to analyze website traffic and optimize your website experience. By accepting our use of cookies, your data will be aggregated with all other user data.